Sunday, April 8, 2012

Kiping: Hindi Lamang Pangdekorasyon

Isa sa pinakamakulay at pinakamasayang selebrasyon ang kapiyestahan ni San Isidro Labrador, patron ng mga magsasaka, sa Lucban, Quezon. Ginaganap ito tuwing ikalabinlima ng Mayo bilang pasasalamat sa masaganang ani ng bayan.

Pinakatampok sa kapiyestahang ito ang tinatawag na “Pahiyas Festival” o ang tradisyunal na pagpapayas o pagdedekorasyon  sa mga tahanang dinaraanan ng prusisyon ng mahal na patron. Sa pagpapalamuti ay kanya- kanyang estilo ng pagpapaganda ang ipinamamalas ng mga may- bahay. Karaniwang ginagamit ang mga materyal na makukuha sa bukid katulad ng palay, gulay, prutas at iba pa. Hindi rin mawawala sa mga dekorasyon ang “kiping” sa bawat tahanan. Ito ang mga bagay na may iba’t ibang kulay, na maninipis at may mga hugis ng isang malapad na dahon. Kung hindi ito nakaayos ng paisa- isa sa mga dingding ay makikita rin ang kiping na nakasabit bilang aranya o “chandelier” sa labas ng bahay. Depende sa presentasyon nito, ang mga kiping ang nagsisilbi bilang isa sa mga pinakang-“high- light” ng mga palamuti. Ito ang nagpapatingkad sa ganda ng isang bahay. At sa kamanghaan ng ilang dayuhan o mga turista, ay ipinamamahagi sa pagtatapos ng okasyon para kainin.
           
Ang kiping ay gawa sa bigas. Ang pangalan nito ay nagmula sa salitang- ugat na “kipi”, “kinipi” o “kinikipi” na tumutukoy sa pag- aalis ng sobrang tubig sa tinapay sa pamamagitan ng pagpalo gamit ang isang mabigat na bagay. Ang kiping ay ibinase sa “taquitos” o “taco”, taong 1734, nang maobserbahan ng isang Lucbaning nagngangalang Juan Suarez ang pantahanang industriyang ito, sa Akapulko. Subali’t sa halip na sundin ang “tubal shape” ng “tacos” ay pinag- eksperimentuhan gawin ito ni Surez sa hugis ng isang malaking dahon matapos itong dagdagan ng iba pang sangkap.
      
Ang kiping ay iniihaw o ipiniprito. Pagkaluto ay nagmimistulan itong “rice crispies” o pinipig. Bagama’t madali lamang ang pag- iihaw o pagpriprito, ay hindi biro ang gumawa ng kiping. Matrabaho ang preparasyon nito.


 Limang salop ng bigas ang madalas na ginagamit sa paggawa ng mga Kiping na ginagamit sa dekorasyon ng isang bahay. Sa isang salop ay isandaan hanggang isandaan at limampung kiping ang magagawa mula rito. Bukod sa bigas, ay may dalawa pang sangkap ang kiping- ang asin at ilang kulay ng “food color”. Kakailanganin din ang dahon ng Kabal o Antipolo o dahon ng saging na ginupit ng pakwadrado (square) para magsilbing hulmahan nito.
      
Ang mga sumusunod ay mga hakbang para makagawa ng Kiping:

  1. Hatiin ang limang salop sa limang lalagyan (malaking kaserola o planggana) at ibabad ng magdamag sa tubig.
  2. Kinabukasan ay hugasan ang bawat salop ng ilang beses hanggang sa luminaw ang tubig nito.
  3. Ipagiling ang bawat salop ng bigas.
  4. Lagyan ng asin ang bawat salop ng giniling na bigas. (Isang kutsaritang asin sa isang salop.)
  5. Timplahan ng dyubus o “food color” ang bawat salop ayon sa kagustuhang tingkad ng kulay.
  6. Bantuan ng tubig at ipaanod ang giniling na bigas sa dahon ng Kabal o Antipolo. Gawing manipis at pantay ang paglalagay ng giniling na bigas sa dahon.
  7. Pasingawan ng ilang minuto sa ibabaw ng kumukulong tubig.
  8. Ihanay sa ibabaw ng banig at patuyuin sa buong magdamag.
  9. Dahan- dahang pugkatin ang natuyong kiping mula sa dahon.
  10. Para maging tuwid ang kiping ay kinakailangang patungan ito ng mabigat na bagay katulad ng “plywood”.
  11. Kapag tuwid na, ay maaari nang lagyan ang kiping ng buntal o tali sa malapad na dulo nito.
  12. Isabit ang kiping para hindi masira. Puwede ring isalansan ng maayos sa loob ng isang kahon hanggang sa oras na kakailanganin na ang mga ito.
(c) Blag ni Mang Isidro @ Abril 8, 2012

    No comments:

    Post a Comment